Thursday, August 27, 2009
Ulcer ni Juan Dela Cruz
Kung maaari lamang lumapa
Ng nilalang, ngunit hindi sapat,
Sapagkat mas marami ang putik sa lupa,
Kaysa sa dagat.
Ngunit ako ay tao pa ring naturingan
At nanginginig ang mga laman,
Pag-iisip ang isipan...
Naghahanap ng mailalagay sa tiyan,
Ngunit walang mahanapan,
Masisisi mo ba ako? Kung...
Balang-araw papaslang ako,
Ng kapwa ko nilalang at
Kakainin ang laman?
Padadaluyin sa bituka ang mga mata,
Upang maaninag ang dugo,
Para sa uhaw na pagdurusa.
Mga butong pinatigas ng matandang pandaraya,
Ibabaon sa mainit na lupa,
Upang husgahan at litisin ka sa iyong sala.
Magpapakaligaya sa iyong pusong manhid,
At bayag na pinatapang ng teknolohiya,
Upang makaranas man lang ng iyong yaman,
Sanhi ng unti-unti kong pagkabaliw.
Iiwan ang pusong pumipitik,
Upang paglaruan, katulad ng iyong paglalaro,
Sa aking katawang hinaplos
Ng iyong kataksilan.
Tignan!
Wala na sa isipan
Tiyang walang laman, nanginginig
Mahinang katawan,
Saan ang puso kung sa iba'y wala din naman?
Labanang iyong itinuro,
Paglapa sa kapwa ko nilalang
Nagtatampisaw sa dugo mo...
BALIW NA KATOTOHANAN!
Gutom na gutom, oo
Balang araw....
No Response to "Ulcer ni Juan Dela Cruz"
Leave A Reply