Thursday, August 27, 2009
Kamindyo*
Isinilang niyo kami,
Dugo sa buo naming katawan
Tanda ng aming pagkatali sa inyo
Na kami'y galing sa inyong mga
Laman...
Laman na inyo, ngunit --
Hindi ang isipan,
Hindi lahat ng pagsunod.
Tulad niyo -- kami'y may buhay,
...Kami'y hindi inyo --
...Kami'y sa sangkatauhan.
Maitatali niyo -- aming mga kamay
Ngunit -- hindi ang aming isipan.
Kami'y mga anak ng lupa,
At kami'y may buhay.
Paghihinagpis walang dahilan,
Para sa aming kalayaan.
Nais naming umunlad,
Lumaya -- dalahin niyo'y ibsan,
Mga ugat nami'y pumipitik
Kami'y may buhay.
Magtitiis kung kinakailangan,
Upang patunayan -- lumaki kami
Sa bagong bayan -- kabataa'y
Di bulag -- oo
Kami'y may buhay.
... Kami'y hindi inyo,
... Kami'y sa sangkatauhan.
*KAMINDYO - salitang pinag-isa mula sa mga salitang "kami'y hindi inyo."
No Response to "Kamindyo*"
Leave A Reply